2018 BRGY at SK ELECTIONS DAPAT GAWING AUTOMATED – SOLON

 

04 October 2017 | news release

Matapos lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 10952, ang batas na nagpapahintulot sa postponement ng Barangay at Sangguniang Kabataan elections, ipinapanukala ng isang mambabatas na gamitin ang vote counting machines sa gaganaping Barangay at SK elections sa ikalawang Lunes ng Mayo 2018.

“Kailangan din naman ng accurate at timely na pagbilang ng boto at paglabas ng resulta ng halalan sa barangay elections so dapat i-consider na rin ang paggamit ng vote counting machines sa darating na barangay at SK elections,” giit ni Rep. Frederick Siao, Kasapi ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms.

Sabi ni Siao, mabuti na rin na ipinagpaliban ang halalan sa Barangay at SK para mayroon pang dagdag na panahon para tugunan ang iba’t ibang problemang lagi nararanasan ng mga botante at kandidato tuwing panahon ng halalan.

Sa mga nagdaang halalan ng barangay, “manual” ang proseso ng botohan at bilangan ng boto; kahit na “automated na ang halalan sa lokal at pambansa.

“Nauunawaan ko na magiging ‘technically challenging’ na gawing automated ang barangay elections para sa COMELEC dahil kailangan pa nilang i-reconfigure ang vote counting machines’ processing and memory cards para sakto sa bawat barangay na padadalhan ng vote counting machine,” ani Siao na isa sa mga may-akda ng House version ng Barangay at SK elections postponement.

Sabi pa ni Siao na dating nagsilbing Konsehal ng Iligan City, “ang pagkaantala sa bilangan ng boto ay nagbubunsod sa political violence at electoral fraud.”

Hanggang ngayon “magulo pa rin ang list of voters dahil marami pa rin ang nahihirapan maghanap ng kanilang mga pangalan.”

“Ang electronic transmission ng election results mula sa mga presinto ay malaking problema pa rin. Maraming presinto ay ‘not within the coverage area’ o nasa lugar na mahina o walang internet o mobile signals. Solusyunan na dapat ito ng telecommunications companies at ng Department of Information and Communications Technology (DICT) katuwang ang COMELEC para di na ito maging problema pa sa 2018 Barangay at SK elections,” wika ni Siao. (END)

Leave a Reply